| Search | Sunday 19 August 2018

Panulat

E-mail Print PDF



Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit

kundi sa paghamak sa Bayang may hapis,

manong mabakli ka't ang taglay mong tulis

ay bulagin ako't sugatan sa dibdib.



Kung dahil sa iyo'y aking tutulungan

ang nagsisilait sa dangal ng Bayan,

manong mawala ka sa kinalalagyan,

at nang di na kita magawang pamaslang! . . .



Di ko kailangang ang ikaw'y gamitin

kung sa iyong katas ang Baya'y daraing,

ibig ko pang ikaw'y tupuki't tadtarin

kaysa maging sangkap sa gawaing taksil . . .



Di ko kailangang ikaw ay magsabog

ng bango sa landas ng masamang loob,

ibig ko pang ikaw'y magkadurug-durog

kaysa magamit kong sa Baya'y panlubog.



Kailangan kita sa gitna ng digma

at sa pagtatanghal ng bayaning diwa,

hayo't ibangon mo ang lahat ng dukha!

hayo't ibagsak mo ang mga masiba!

 

 

Benigno R. Ramos  (1930)

 

 

Last Updated ( Thursday, 23 September 2010 05:30 )