| Search | Tuesday 23 October 2018

Handog sa Balikbayang Sinta

E-mail Print PDF

1.  LUMIPAD KA NA PATUNGONG IRAK AT AFGHANISTAN



Lumipad ka na patungong Roma at London

Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip

Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod



Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar

Sa pagkamulat kukurap-kurap  sa pagtulog puso'y nagsisikip

Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay

Lumipad ka na patungong Toronto at New York

Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga

Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog



Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco

Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng "Mabuhay!"

Alinlangang luha'y naglambitin sa bahag-hari ng bawat  yapos



Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo

"Di kita malilimot"--pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam

Nabakling pakpak  usok sa bagwis   inalagwang talulot ng bituing nasunog



Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh

Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop

Ibon kang nagpumiglas alay mo'y talim ng paglayang nilalangit



Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?

Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis

Aking kaluluwang hiniwa't ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.



2.  ELEHIYA MULA SA LEUVEN, BELHIKA

Iiwan mo lahat ng iyong minamahal; ito ang palaso na unang ipinawawalan ng busog ng pagkatapon….

--Dante Alighieri



Huli na raw ang lahat.  Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita't pangarap.

Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.



Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.

Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.



Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.

Nagbabakasakaling aabot pa ang kable--Sayang, di biro, nakapanghihinayang.



Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik….

Huli na, nahulog na ang araw.  Itikom ang labi, itiim ang bagang….



Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagtitiis--

Pahabol ay di na magbubuhol--Tapos na ang pagsisisi't pagpapatawad….



Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.

Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.



Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?

Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---



Mailap pa sa hibong nagpupumiglas--Saan ka nanggaling? Saan pupunta?

Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't tuhod, gumagapang mula sa guwang--



Maghulihan tayo ng loob, Estranghera, hinihintay ang ligayang walang kahulilip.

 

 

E. San Juan, Jr.