| Search | Sunday 22 April 2018

Medusa

E-mail Print PDF

 



Siya na nakapantalon

at mainit ang hininga

inihiga ako sa gilid ng mundo

at tiningnan nang tiningnan

hanggang sa mangalirang

ang aking buhok

at sa matinding galit at takot

naging ahas ang bawat isa sa kanila

gutom na gutom

sa lasa ng laman

ng labing may pawis ng pagnanasa



hanggang sa madurog

ang aking puso

at sa di-mapatid na sakit at pait

naging bato ito

malamig na malamig ang pintig.



Ngayong lupang latag na latag na

ang aking katawan

sa ilalim ng malulupit mong talampakan

ikaw naman ang aking titingnan nang titingnan



hanggang sa matuyo ka

sa apoy ng aking mga mata

at sipsipin ng bawat ahas kong buhok

ang bawat patak ng dugo sa iyong mga ugat

at masimot ang kaliit-liitang kutob ng buhay.



Namamangha ka sa liyab ng aking higanti?

Ay!  ikaw ang hari ko't guro, Lalaki!

 

 

Benilda S. Santos