| Search | Tuesday 23 October 2018

Payo Sa Bumabasa Ng Tula

E-mail Print PDF

 

Hindi nalalayo

Sa pagpangos ng mangga

Ang pagbasa ng tula.



Amuyin, sapulin sa kamay.

Ipalasap sa palad

Ang init at kinis ng balat.

Saka hubarin ang dilaw na katad

Na minsan may itim na pekas,

Parang matang ibig mangusap.

Huwag na huwag ngangatain.

Tubo at mangga'y magkaibang sining.



Tandaang laman ay parang laman.

Humihingi ng ingat, pagmamahal.

Turuan ang ngiping dumagan

Nang hindi mag-iiwan ng sugat.

Unti-untiin ang pagsisiwalat



Sa buto. . .



Na namimintog, lumalapad-

Kutsilyong walang talas.

Pinatuyong sinag ng araw.

Usok-at-ulang nagsabato.

Garing na di pa nakakatam.

Siksik na taguan ng yabong,

Lilim, at tatal.



Huwag mithiin ang asetikong buto,

Ang puting ermitanyo,

Bago mapagdaanan ang mga ehersisyong

Karnal.

Bayaang maganap

Tamis, pait, saklap

Sa isang panlasang wagas.



Huwag kainipan ang labo

Ng pisnging humuhulas.



Pagkatapos na makipagtapatan

Sa mga istasyon ng pagkalaman,

Kusang liliwanag

ang sagradong buto-

Na simbigat ng katotohanan,

Singgaan ng pangarap at kalawakan.

 

 

Rolando S. Tinio